Remembering TATAY (9 Years Death Anniversary- March 30, 2005)

Good Day Everyone... Kahit busy dito sa work, gagawa lang muna ako ng mababasa at maaalala after 10 years...

Fresh na fresh pa sa aking ala-ala ang mga nangyari sa araw na ito noong year 2005, at gusto ko yun ibahagi sa inyo aking mahal na taga-basa...hehe!

Marso 28... Inatake tatay ko ng sakit na hindi namin alam, ang nirereklamo lang nya ay yung kanyang tiyan na sobra daw ang sakit... nagsabi siya sa nanay ko na dalhin daw siya sa ospital at mukhang hindi nya kakayanin ang sakit, at para narin mabigyan siya ng gamot ng doktor..
Trivia: Minsan lang nagpapadala si tatay sa ospital, likas na itong matiisin sa sakit dahil alam nyang walang pampagamot. :)

Dinala siya sa ospital at na-admit sya nung araw na yun... Nalaman ko lang ang balita nung nagtext kapatid ko saken na dinala nga daw si tatay sa ospital... Noong mga araw na yun, ako at mga kasama ko sa Kiriwkiw Dance Group ay nag i-ensayo para sa aming sayaw na gaganapin sa ika apat ng abril 2005 para sa foundation day ng aking alma mater doon sa bayan ng New Washington Aklan...

Nung makauwi ako sa bahay, kaagad akong nagpunta ng ospital para kamustahin ang aking ama kung kamusta na ang kanyang kalagayan... Nung dumating ako sa ospital, nakita kong nakikipag usap sya sa aking mga kapatid na tila'y parang kalabaw pa kung makapagsalita, pero mapapansin mo sa kanyang mga mata ang hirap ng kanyang dinadala.. (at sa mga oras na ito ay parang tutulo na ang aking luha habang nagtatayp..pakshet!) pero titiisin ko at may mga kasama ako dito sa opisina..LOL!

Habang kami ay nag uusap usap sa loob ng kwarto ng ospital, napag usapan namin na ako SANA ang magbabantay doon para samahan ang aking ama ng isang gabi, ngunit ako ay hindi pumayag sapagkat ako ay may practice kinabukasan ng umaga... sinabi ko nalang na ang isang kapatid ko nalang ang magbantay sa kanya... at dun biglang tumamlay ang aking ama nung umayaw ako sa gusto nya... nagsalita pa sya na pabayaan nalang daw siya doon at umuwi na kaming lahat... pero bandang huli pumayag din sya na ang isa kong kapatid (junior nya) ang magbantay sa kanya hanggang sa ako'y makauwi na ng bahay at nagpahinga dahil pagod sa practice.

Marso 29... bago pumunta ng practice, dumaan muna ako sa ospital para kamustahin ang aking tatay... nadatnan ko sila na nag uusap-usap sa labas ng ospital kung saan pwedeng luminghap ng fresh air ang mga pasyente. Nung araw na yun ay pwede na daw lumabas ang aking ama sa ospital, pero may kelangan pang antayin na mga test para sa ultrasound na gagawin kinabukasan at pwede na silang makauwi.

Ako naman ay tumuloy na sa lugar kung saan kami mag eensayo ng sayaw... pagkatapos ng tanghalian nung araw na yun ay nakalabas na sila tatay, at ang nagsundo sa kanya ay yung pinsan ng aking nanay na bale tito ko na rin (winlove). Sinundo sya gamit ang motor ng aking tita.

***Madadaanan mo ang sementeryo pag pupunta kang ospital pag nanggaling ka sa bahay namin.***

Habang pauwi sila tatay, nagsabi sya ng pa-joke kay uncle winlove na mag-menor at titignan daw nya ang kanyang libingan... Tumawa nalang si uncle winlove dahil likas na palabiro ang aking ama.

Pagdating sa bahay, nakipagbiruan pa ang aking ama sa mga taong nakikita niya... pinipilit nyang tinatago na malubha na ang kanyang sakit...

Natapos na ang aming pageensayo ng sayaw at ako ay umuwi na rin ng bahay... Nadatnan ko ang aking ama at kapatid at ang kanyang kaibigan sa kanyang hardin na puno ng okra, talong at saging... Tinawag nya ako at inutusang diligan lahat yung mga tanim. Hindi naman ako nagreklamo at ginawa ko naman kaagad.

Nung hapon na iyon, ang aking ama at ina ay naghahanap ng pera para sa gagastusin sa pag paultrasound sa bayan ng kalibo. Nagpunta sila sa mayors office at humingi na rin ng tulong dun sa kapitbahay namin. (kami po ay mahirap lamang, isang kahig isang tuka at minsan pa ay wala).

Nakita ko nung araw na yun kung panu magkandarapa sa paghahanap ng pera ang aking mga magulang para lang makaipon ng pambayad sa ultrasound kinabukasan... Napansin ko din sa mukha ng aking ama yung hirap habang sya ay naglalakad na pilit nyang tinatago sa amin, napansin ko din na medyo nangingitim na ang kanyang kulay at hindi ko nalang namalayan na tumutulo na ang aking luha dahil ako ay naawa sa aking tatay.

Medyo dumidilim na ang kalangitan at kami'y maghahanda na ng hapunan at bigla nalang nag black out... madilim nung gabing yun dahil walang kuryente, gumamit nalang kami ng kandila para mailawan ang lulutuing ulam na pritong tuyo, pritong itlog at apat na pack ng noodles.

Kami rin ay nagtataka kung bakit si tatay ang nagluluto nung gabing yun, dahil naiirita si tatay pag walang ilaw... nagiging bugnutin sya pag nagluluto siyang walang ilaw, kaya madalas si nanay nalang o kaya ang aking kapatid na babae ang nagluluto ng kakainin namin tuwing hapunan.

Sabay sabay kaming naghapunan magkakapatid kasama ang aming ama at ina, pagkatapos ng hapunan kami ay nag kwentuhan habang palalim ng palalim ang gabi... Lahat kami nung gabing iyon ay masaya dahil sa mga kulitan at jokes na wala dito wala doon... Yun palang mga tawang malakas ng aking ama ay siyang huli niyang tawa na aming maririnig...

Kaming magkakapatid ay natulog na walang problema, ngunit ang aming mga magulang ay hindi parin nakakatulog dahil sa kakaisip sa mangyayari kinabukasan sa kanilang pagpunta sa Kalibo para magpa ultrasound... Nag usap sila tatay at nanay na pagkatapos nilang magpa ultrasound ay si tatay pa ang magkakabit ng ribbon ng aming ika-anim na kapatid sa daycare graduation... ngunit ang lahat ng planong yun ay biglang napalitan ng luha at lungkot.

March 30.. 0200AM.. 
Habang sa kaligitnaan ng gabi, bigla ko nalang narinig na para bagang may gumigising sa akin, at nung idilat ko ang aking mga mata, bigla ko nalang nakita ang aking tiyahin na ako ay ginigising habang kalong kalong nya ang kanyang anak na maliit.

Nung akoy nagpupunas palang ng aking laway, naririnig ko na ang aking ina na humahagulgul kakaiyak habang sinisigaw ang pangalan ng aking ama (dodooooooy)... ako nama'y dalidaling lumabas ng bahay ng lolo ko at umakyat sa aming bahay para tignan ang nangyayari.

Nakita ko nalang na nakaupo ang aking ama na naghahabol ng kanyang hininga na para bang gusto pa nyang mabuhay... ang aking ina naman ay pilit hinihila ang dila ng aking ama at pilit pinapanganga gamit ang kutsara..

Tinanong ko ang aking ina kung ano ang nangyari, sinagot nya ako na binabangungot daw ang aking ama. Dahil sa emergency na nga, nagsabi ako na maghahanap ng trysikel at dalhin na si tatay sa ospital... Sinabihan ko yung pangatlo kong kapatid at yung mga lalaki sa bahay na buhatin na si tatay at ako ay maghahanap ng mahihiramang trysikel... 

Dali-dali akong tumakbo dun sa bahay ng pinsan ko para hiramin yung kanyang Yamaha 135 na meron sidecar... Dahil madaling araw noon, sila ay tulog pa lahat.. Sigaw ako ng sigaw sa labas para gisingin sila at ilang minuto lang ay sumagot na sya...at sinabi ko nga na hiramin ko yung trysikel dahil emergency, at hindi naman humindi ang aking pinsan... Kaagad kong binuksan ang gate at pinaatras ang trysikel para mailabas ko sa kanyang garahe... Pinaandar ko ito at dire-diretso na akong pumunta sa may amin para dalhin na sa ospital si tatay...

Pagkadating ko sa may amin ay wala pa ang aking mga kapatid, hindi ko alam kung bakit at kung ano ang nangyari at hindi parin nila nailalabas si tatay sa loob ng bahay... sa mga oras na yon ay matinding takot at kaba na ang aking nararamdaman... Nang ako'y dumating na sa bahay, nadatnan ko ang aking ama sa may kusina na wala ng malay at parang lantang gulay, na pilit pinapatayo ng aking kapatid para ito'y buhatin... 

Tinanong ko sila kung bakit hindi parin nailalabas ng bahay si tatay, ang sagot nilang lahat sa akin ay mabigat daw ito at hindi nila kaya... at dahil uli sa emergency, ipinag utos ko na hawakan ang kanyang paa at bubuhatin ko ang katawan.. Kahit mabigat ay pilit ko paring binuhat ang katawan ng aking ama na wala ng malay... mga ilang hakbang nalang at makakarating narin kami sa trysikel... Naipatong at napaupo na namin ng maayos si tatay at dali dali akong pumunta sa motor at pinaandar ko ito... Ang kasama ko nung oras na yun ay si uncle gary na matalik na kaibigan ng aking ama na siyang asawa ng kapatid ng aking ina, ang aking pinsan na si junjun a.k.a langaw at ang aking kapatid na pangatlo na junior ng aking ama...

Mabilis pa sa jeep nung pinatakbo ko ang trysikel papunta hospital, dahil madaling araw naman ng oras na yun, wala akong kasalubong at kasunod... mga ilang minuto lang ang nakalipas ay narating na namin ang ospital.

Pagdating namin sa ospital, sarado pa ang Emergency room, pero binuksan din ito nung tinawag na ang maitenance at pati din ang doctor ay wala nung oras na yun...

Binuhat ko uli ang aking ama para ipatong sa higaan sa loob ng emergency room para matignan ito ng mga nurse na naka duty... Pagkalapag ko sa aking ama ay tila hindi na ito humihinga... Lumabas ako ng emergency room at nagdasal ng mataimtim sa Panginoon.

"Lord ikaw na bahala sa tatay ko, kung babawiin niyo na siya sa amin tatanggapin namin ito, pero sana makasama pa namin siya ng matagal tulad nung mga dasal ko sayo nung una at pangalawang atake nya sa higblood"

Ilang ulit kong pinagdasal na sana buhay si tatay at sana makasama pa namin sya ng matagal...

Nung ako'y tumayo na sa aking inuupuan, akoy pumasok uli sa loob ng emergency room para tignan ang kalagayan ng aking ama, napaluha ako sa aking nakita at nakaramdam ng awa habang dinidiin ng nurse yung dibdib ng aking ama (CPR)... Hindi ko inaakalang makikita ko sa personal ang mga nakikita ko sa pelikula kung panu sagipin ang malapit nang mamatay... Lumapit ako sa nurse at tinanong ko siya kung kamusta na ang aking ama... Sinagot ako ng nurse na hindi na daw gumagana ang kanyang pulso at ang puso (corazon) nalang ang gumagana kaya nya ito pinapump...

Nung oras na yun ay parang nawalan na ako ng pag asa na mabubuhay pa ang aking ama... Dahil sa panghihinayang at inis sa sarili, lumabas ako ng emergency room at parang gusto kong magwala.. parang gusto kong suntukin ang windshield ng trysikel na hiniram ko, ngunit naalala kong hindi pala ito amin, kaya sa buhangin nalang ako sumuntok ng makailang beses at hindi ko nga namalayan na puro sugat na pala ang aking kamay...

Narinig ko nalang yung matalik na kaibigan ng aking ama na nagsalita "ay si dodoy" na para bang hinayang na hinayang at ang kanyang matalik na kaibigan ay sumakabilang buhay na.. at mula nung mga oras na yun ay nalungkot ang bestfriend ng aking ama, na hanggang sa paglibing simula nung gabing yun ay hindi nya matignan kahit sa loob ng ataul.

Nung sinabi na ng nurse at doctor na DOA (dead on arrival) na ang aking ama, hindi na mapakali ang aking pangatlong kapatid... Pinipilit nya itong ginagalaw at ginigising, pinakikinggan nya ang dibdib kung may tibok pa ng puso, inilapit nya rin ang kanyang tenga sa may ilong kung ito ay humihinga pa.. umiikot ikot sya sa katawan ng aking tatay na parang hindi nya matanggap na patay na ito... Awang awa ako nun sa aking kapatid, nakikita ko kasi na halos lahat nalang ng parte ng katawan ng tatay ko ay hinihila nya para lang mabuhay... kaso hindi na ito nagrereact, para na itong karne na kahit ihagis mo ay hindi na talaga gagalaw...

Hanggang sa ngayon naaalala ko pa kung ano ang mukha ni tatay noon nung siya ay namatay, walang nagbago sa mukha niya... parang wala siyang kahirap hirap na namatay kahit makikita mo sa mukha nya na hirap na hirap sya sa sakit nung nabubuhay pa siya dalawang araw ang nakalipas.

At dahil nga nasabi na ng doktor kung ano nangyari sa ama ko, nagdesisyon ako na sabihin na sa mga kapatid ni tatay ang nangyari... Habang palabas ako sa gate ng ospital, nakasalubong ko si nanay na naka sakay sa motor, tinanong niya ako kung kamusta si tatay... Hindi na ako nag atubiling bumaba sa trysikel at niyakap ko nalang si nanay at sinabi kong wala na si tatay.

Hagulgul na naman sa iyak si nanay.. Ngunit wala nang magagawa ang kanyang mga iyak... Hinimatay pa ito nung oras na yun dahil hindi nya kinaya ang nangyari.. pinadala ko nalang din sya sa loob ng ospital at tumuloy na ako sa mga kapatid ng tatay ko para ipaalam sa kanila na wala na ang kanilang kapatid.


Hanggang ngayon ay fresh na fresh pa sa utak ko ang mga nangyari kahit siyam na taon na ang lumipas...
Nakakalungkot man isipin na lumaki ang aking ibang kapatid na walang ama, at nagkatrabaho ako na hindi ko manlang sya nabigyan ng pang inom niya... at mas lalo ngayon na may apo na sya...

Inaamin ko na hindi ako malapit sa aking ama, pero sa kanya na rin ako nakakuha ng disiplina na umiwas sa barkada at ipalayo niya ako sa bisyo tulad ng pag hithit ng marijuana at kung ano ano pa.

Sa ngayon namimiss ko siya... gusto ko ngang iwish sa birthday ko next year na sana mabuhay siya kahit sa araw lang na iyon para makatagayan namin sya ng aking mga barkada at kapatid... kaso hanggang wish nalang ako at napaka imposibleng mangyari ang hinihiling ko.

Salamat sa pasensya na binigay nyo sa pagbabasa ng aking blog... kung buhay pa ang mga parents nyo, ibigay niyo na ang best sa kanila at baka pagsisihan natin sa huli ang mga pangyayari... Hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas..

Base sa findings ng doktor at ang nag autopsy sa aking ama, siya ay may sakit sa puso at sirang sira na ang kanyang kidney.

ang picture sa taas ay nung ako'y tatlong taon pa lamang...


sa picture sa taas ay ang araw ng aking graduation noong 2001. (highschool graduation)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Part TWO: Ang Araw kung saan ako sumakay ng eroplano palabas ng Pilipinas kong Mahal

Part Three: Kwentong hindi mapupulutan ng aral. bow!